5.5k OFW napauwi ng DOLE mula sa Saudi

Date Posted: July 3rd, 2017 02:16 PM

Napauwi ng Department of Labor and Employment ang nasa 5,576 undocumented at stranded overseas Filipino workers (OFW) kasabay ng pagtatapos ng bisa ng amnestiyang ibinigay ng gobyerno ng Saudi Arabia noong Huwebes.

 

Ayon kay Labor Undersecretary Dominador Say, tinatayang mayroon pang 2,241 OFW ang naghihintay ng kanilang plane ticket bago makauwi ng bansa.

 

“Ready na lahat, may exit visa na sila, may travel documents na. Maaari na silang umalis anumang oras. Ticket na lang talaga ang kanilang hinihintay,” wika ni Say.

 

Ang nasabing bilang ng mga OFW ay kinabibilangan ng 1,161 Pilipinong migrante mula sa Jeddah at 1,080 mula sa Riyadh.

 

Sinabi pa niya na mayroon pang 12,218 na Pilipino ang nagpahayag ng interes na kumuha ng amnestiya subalit ang iba sa kanila ay hindi na kuwalipikado dahil sa mga kasong kanila pang kinakaharap.

 

“Maraming nag-eexpress na makauwi sa Pilipinas pero ang iba sa kanila ay hindi na kuwalipikado sa amnestiya dahil may mga kaso pa sila doon,” dagdag pa ni Say.

 

Sinabi rin ng opisyal na binabalak na ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na humingi ng tulong sa gobyerno ng Saudi para sa pardon o iba pang ayuda upang mapauwi ang mga OFW na hindi kuwalipikado sa nasabing amnestiya.

 

Samantala, nagpaabot na ng tulong ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga napauwing OFW at ang kanilang mga pamilya tulad ng airport assistance, psycho-social counseling/stress debriefing at medical referral.

 

Ang programang Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) ay nagbibigay rin ng overseas employment referral sa bansa at abroad, tulong pangkabuhayan, legal at conciliation services, competency assessment at training assistance sa mga napauwi at nawalan ng trabahong mga OFW.

 

END/Abegail De Vega/ Paul Ang



Created Oct 19th 2017, 15:52

Contents

Quick Links