Panuntunan ng tulong sa mga OFW, nirerebisa ng DOLE

Date Posted: June 4th, 2017 01:05 PM

Bumubuo na ng panibagong panuntunan ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng pagbibigay ng mga benepisyo at pautang para sa mga nawalan ng trabaho at napauwing mga overseas Filipino workers (OFWs), ayon kay Secretary Silvestre Bello III.

 

Sa pinakahuling dayalogo sa mga napauwing manggagawa mula sa Mohammad Al-Mojil Group of Companies sa Saudi Arabia, nangako si Bello na tutulungan ang mga napauwing manggagawa na mabawi ang mga hindi nabayarang suweldo at security benefit nila mula sa kanilang mga employer.

 

“Ibigay ninyo lamang sa amin ang lahat ng tamang papeles at dokumentasyon at tinitiyak namin na tutulungan kayo ng Kagawaran ng Paggawa upang mabawi ang mga hindi nabayaran sa inyong suweldo at benepisyo. Bumuo na rin kami ng isang technical working group na siyang tututok at rerebisa sa mga panuntunan at regulasyon kaugnay sa pag-aaplay ng pautang,” dagdag ni Bello.

 

Inaprubahan na rin ng kalihim, na tumatayo rin bilang chairperson ng OWWA Board, ang pagtataas ng enhanced livelihood assistance na ibinibigay sa mga OFW na nawalan ng trabaho at napauwi sa bansa mula sa P10,000 patungo sa P20,000 cash assistance.

 

Ang Landbank of the Philippines ay nagbibigay rin ng loan assistance na nagkakahalaga mula sa P50,000 – P300,000 para sa mga OFW na makapagbibigay ng mga lehitimong collateral tulad ng land title at iba pang kagamitan na mayroong halaga kasabay ng regular na interest rate na 8 porsiyento.

 

Ito ang nagtulak sa DOLE at OWWA na makipagpulong sa mga opisyal ng Landbank na alisin ang ibang mga requirement sa pagbibigay ng loan assistance para sa mga OFW na nawalan ng trabaho.

 

Hinihiling ng DOLE na ibaba ang interest rate para sa nasabing OFW loan mula sa 8 porsiyento patungo sa 6 porsiyento at alisin na ang collateral requirement dahil ang Kagawaran ng Paggawa na ang magiging guarantor para sa mga OFW.

 

“Nirerebisa na namin ang mga panuntunan para sa pautang. Para sa mga interesadong mag-aplay, wala ng collateral para dito dahil kami na ang magiging inyong guarantor. Pangalagaan ninyo ang inyong pera at dumalo kayo sa mga livelihood training upang hindi na ninyo muling maisipan na umalis sa bansa,” dagdag pa ni Bello.

 

Sinabi pa ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na ang mga first-degree na kamag-anak tulad ng asawa at anak ng mga yumaong OFW at mga Pilipinong manggagawa na nasa ibang bansa pa rin ay maaaring iproseso ang kanilang mga papeles at aplikasyon para sa loan ngunit dapat ay kumpleto ang mga papeles at dokumentasyon nila.

 

“Isinasapinal na namin ang mga panuntunan para sa loan kasama ng mga opisyal ng Landbank. Umaasa kaming makapagpirmahan ng memorandum of understanding sa kanila sa darating na Hunyo,” paliwanag pa ni Cacdac.

 

Magugunitang mayroong 9 na kumpanya mula sa Middle East ang nagsara dahil sa krisis pinansyal at nagresulta sa pagkawala ng trabaho ng libo-libong mga OFW.

 

Ang mga OFW na ito ay napauwi ng pamahalaan kung saan malaking bilang rito ay mga manggagawa dati sa Mohammad Al-Mojil Group. Ang Department of Foreign Affairs, DOLE, at OWWA naman ay ginagawa ang lahat upang matulungan ang mga OFW na mabawi ang mga hindi nabayarang suweldo nila at benepisyo mula sa kanilang mga employers.

 

#Paul Ang



Created Jun 5th, 08:58

Contents

Quick Links