DOLE tutulong sa OFWs upang mabawi ang hindi nabayarang sweldo, at benepisyo

Date Posted: April 27th, 2017 12:14 PM
 

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa grupo ng mga overseas Filipino workers (OFW) na una nang napauwi mula sa Saudi Arabia ang tulong upang mabawi nila ang mga hindi nabayarang sweldo at benepisyo mula sa kanilang mga employer.

 

Ayon kay Undersecretary Joel Maglunsod, sa isang pulong sa grupo ng mga OFW na dating namamasukan sa Mohammad Al-Mojil Group (MMG) sa Saudi Arabia, na ang pagtulong sa mga manggagawa ang pangunahing prayoridad ng departamento. Nilinaw rin niya na nangangailangan lamang ang pamahalaan ng sapat na panahon upang makalap at maproseso ang mga hinaing ng mga manggagawa higit lalo ang may mga petisyon na mabawi ang mga hindi naibigay nilang suweldo at benepisyo mula sa mga employer sa gitnang silangan.

 

Napabalik sa bansa ang mga manggagawa ng MMG noon pang Agosto ng nakaraang taon. Mula noon ay hindi pa nila nakukuha ang kanilang mga sweldo sa kabila ng kasong isinampa sa pamamagitan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Al Khobar laban sa kanilang kumpanya.

 

Sinabi naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na ginagawa ng ahensya ang lahat ng makakaya nito upang ayusin ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Foreign Affairs (DFA), na siyang humahawak ng kaso ng mga manggagawa ng MMG.

 

“Patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa DFA. Kumuha na sila ng mga abogado na siyang tutuon at personal na hahawak ng mga kaso upang mas mabilis itong maresolba. Gayunman, hindi nila tayo mabigyan ng tiyak na araw kung kalian maipamamahagi ang mga hindi naibigay na suweldo dahil ipinoproseso pa rin hanggang ngayon ang auction at liquidation para sa mga asset ng MMG sa Middle East,” paliwanag pa ni Cacdac.

 

Magugunitang pumirma ang DOLE at ang Ministry of Labor ng Saudi sa isang kasunduan na siyang magpapabilis sa repatriation ng mga OFW maging ang pagpoproseso ng kanilang mga petisyon upang mabawi ang mga hindi naibigay nilang suweldo at benepisyo sa korte ng Saudi Arabia.

 

“Binabalanse rin namin ang sitwasyon. Tiniyak na rin sa amin ng kagawaran ng paggawa sa Saudi na madalian nilang aaksyunan ang mga petisyon ng mga manggagawa. Pumirma kami ng kasunduan sa harap nina Pangulong Rodrigo Duterte at Saudi King Salman bin Abdulaziz Al Saudi,” dagdag pa ng opisyal.

 

#Paul Ang



Created May 3rd 2017, 09:00

Contents

Quick Links