30,000 OFWs nakinabang sa One-Stop-Service Centers ng DOLE sa Ilocos Region

Date Posted: March 15th, 2017 01:38 PM

Tinatayang may 30,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang nabigyan ng serbisyo ng One-Stop Service Centers (OSSCOs) sa Ilocos Region, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Region I.

 

Sinabi ni DOLE RO I Regional Director Nathaniel V. Lacambra na nakatanggap ng serbisyo mula sa gobyerno ang mga OFW at iba pang kliyente mula sa OSCCO na nakatalaga sa Candon City Hall at Manna Mall sa San Fernando, La Union.

 

“Malugod naming iniuulat na may 30,000 kliyente ang nabigyan ng serbisyo ng ating One-Stop Service Centers sa Ilocos Region. Patuloy naming titiyakin ang pagbibigay ng mabilis na serbisyo mula sa DOLE, OWWA, POEA, TESDA, PRC, at iba pang ahenisya, lalo na sa ating mga OFWs,” ani Lacambra.

 

Kanya ring sinabi na ang pagtatayo ng one-stop service center sa Ilocos Region ay isa sa mga tugon ng DOLE sa direktiba ni Presidente Rodrigo R. Duterte na gawing simple at mabilis ang pagbibigay ng serbisyo sa mga OFW sa pagpapaigsi ng oras sa pagproseso ng kanilang dokumento na nangangahulugan din ng katipiran sa gastusin sa transportasyon.

 

Ang ilan sa mga kasamang ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng mabilis at maaasahang serbisyo ay ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulations Commission (PRC), Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG, at ang National Bureau of Investigation (NBI).

 

Pinapurihan ng mga kliyente ng one-stop service center ang mga kawani ng OSCCO sa maayos na serbisyo, at pinasalamatan ang DOLE sa kanilang pagtitiyak nang mabilis na pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan.

 

“Pinupuri ko ang service center sa mabilis na pagproseso ng mga transaksiyon. Hindi na namin kinakailangan pang pumunta sa OWWA La Union para lamang magbayad ng aming membership contribution,” ani Agustin Alibuyog, Jr.

 

Bukas ang OSSCO mula 9:00 n.u. hanggang 5:00 n.h., Lunes hanggang Biyernes.

 

END/Abegail De Vega (with reports from Arly Sta. Ana-Valdez)/GMEArce



Created Apr 3rd, 10:12

Contents

Quick Links